Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 16:6-19

Mateo 16:6-19 RTPV05

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo.” Nag-usap-usap ang mga alagad, “Kasi wala tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.” Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! Wala pa ba kayong pagkaunawa hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo kung paanong pinaghati-hati ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? Gayundin ang pitong tinapay para sa apat na libo! Ilang kaing na tinapay ang lumabis? Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay. Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.”