Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinhaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’” Sa pagpapatuloy, isa pang talinhaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.” Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinhaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya't umalsa ang minasang harina.” Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinhaga. Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta: “Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinhaga, ihahayag ko ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang daigdig.” Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinhaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!”
Basahin Mateo 13
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 13:24-43
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas