Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 12:22-37

Mateo 12:22-37 RTPV05

Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang nahahati at naglalaban-laban ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang naglalaban-laban ay mawawasak. Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang mga tagasunod ninyo ang magpapatunay na maling-mali kayo. Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. “Hindi mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasama sa pag-iipon ay nagkakalat. Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang anumang paglapastangan sa Espiritu. Sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.” “Sinasabi ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. Lahi ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mateo 12:22-37

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya