Makalipas ang halos walong araw, umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. Biglang may nagpakitang dalawang lalaki, sina Moises at Elias, na ang mga anyo ay nakakasilaw din. Sila'y nakipag-usap kay Jesus tungkol sa nalalapit niyang kamatayan na magaganap sa Jerusalem.
Natutulog sina Pedro noon, ngunit sila'y biglang nagising at nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may kasamang dalawang lalaki. Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Ang totoo'y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang makapal na ulap at sila'y natakot.
Isang tinig ang nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili. Pakinggan ninyo siya!” Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.
Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, pakitingnan nga po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! Sinasaniban po siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan. Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”
Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”
Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.
Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay pagtataksilan at mapapasailalim sa kapangyarihan ng mga tao.” Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong kung anong ibig niyang sabihin.
At nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang mapagpakumbabá sa inyong lahat ay siyang magiging pinakadakila.”
Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”
Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”
Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, ipinasya niyang pumunta sa Jerusalem. Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil sa siya'y papunta sa Jerusalem. Nang malaman ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, payag po ba kayong paulanan namin sila ng apoy upang sila'y matupok?”
Ngunit bumaling si Jesus sa kanila at sila'y pinagsabihan. At nagpunta sila sa ibang nayon.
Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Sasama po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao'y walang sariling tahanan.” At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mong mga patay ang magpalibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” May isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Ang sinumang nag-aararo at palingun-lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”