Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila na nagsasabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y multo ang kaharap nila. Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. Kinuha niya ito at kinain sa harap nila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako; dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises at sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.” Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.” Pagkatapos ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lunsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. Habang iginagawad niya ito, siya nama'y lumalayo paakyat sa langit. Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay masayang-masaya silang bumalik sa Jerusalem.
Basahin Lucas 24
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Lucas 24:36-52
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas