Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 24:36-52

LUCAS 24:36-52 ABTAG01

Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.” Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” [Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.] Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?” At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda. Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.” At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw; at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito. At tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.” Kanyang inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan. At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit]. Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa LUCAS 24:36-52