Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 22:35-62

Lucas 22:35-62 RTPV05

Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” “Hindi po,” tugon nila. Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may bag o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. Sinasabi ko sa inyo, dapat mangyari sa akin ang sinasabi ng Kasulatan, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya. Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doo'y lumuhod at nanalangin. Sabi niya, “Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.] Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, subalit tinanong siya ni Jesus, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?” Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?” Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito. Sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa pinuno ng bayan na nagparoon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit ngayon ay panahon na ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.” Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila, ngunit malayo ang agwat. Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, “Kasama rin ni Jesus ang taong ito!” Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, “Aba, hindi! Ni hindi ko nga iyan kilala!” Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y tinanong, “Hindi ba't kasamahan ka rin nila?” Ngunit sumagot siya, “Nagkakamali kayo, Ginoo!” Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Kasama nga ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.” Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!” Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.