“Walang nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, o kaya'y ilagay sa ilalim ng malaking takalan. Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. Ang iyong mata ang ilawan ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.”
Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.
“Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Tamang gawin ninyo ang una, ngunit hindi ninyo dapat kaligtaan ang ikalawa.
“Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't tinutuntungan ng mga tao nang hindi nila namamalayan.”
Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa kautusang Judio, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.”
Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’ Sa gayon, pananagutan ninyong mga nabubuhay sa panahong ito ang pagpatay sa lahat ng mga propetang pinatay mula nang likhain ang daigdig, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Templo. Oo, sinasabi ko sa inyo, kayong mga nabubuhay sa panahong ito, mananagot kayo sa kanilang pagkamatay.
“Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”
Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, nagsimula na siyang tuligsain ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo. Malimit nilang tanungin siya tungkol sa maraming bagay upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.