Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 10:1-24

Lucas 10:1-24 RTPV05

Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan. Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na kayong pagharian ng Diyos.’ Ngunit kung hindi kayo tanggapin sa isang bayan, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, nabigyan na kayo ng pagkakataong mapagharian ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma!” “Kawawa kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa sa kaparusahan sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang sa langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay. “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.” Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa. Iniulat nila sa Panginoon, “Kahit po ang mga demonyo ay sumusuko sa amin dahil po sa kapangyarihan ng inyong pangalan.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasuko ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.” Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan ng Espiritu Santo. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at sa mga matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga taong ang kalooban ay tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari. “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang mga taong ginawang karapat-dapat ng Anak na makakilala sa Ama.” Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Mapalad kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”