Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 10:1-24

LUCAS 10:1-24 ABTAG01

Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu, at sila'y sinugong dala-dalawa, na una sa kanya sa bawat bayan at dako na kanyang pupuntahan. At sinabi niya sa kanila, “Totoong marami ang aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin. Humayo kayo, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdadala ng lalagyan ng salapi, o supot, o mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Sa alinmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo, ‘Kapayapaan nawa sa bahay na ito.’ At kung doon ay may anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kanya. Subalit kung wala, ito ay babalik sa inyo. At manatili kayo sa bahay ring iyon. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. At sa alinmang bayan kayo pumasok at kayo'y kanilang tanggapin ay kainin ninyo ang anumang inihahain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit na naroroon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’ Subalit sa alinmang bayan kayo pumasok at hindi kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga lansangan nito at inyong sabihin, ‘Maging ang alikabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa ay ipinapagpag namin laban sa inyo; subalit alamin ninyo ito, ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’ Sinasabi ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw na iyon ang Sodoma kaysa bayang iyon. “Kahabag-habag ka Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupong may damit-sako at abo. Subalit higit na mapagtitiisan pa sa paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo. At ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ikaw ay ibababa sa Hades. “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil, at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang nagsugo sa akin.” Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!” At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit. Tingnan ninyo, binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.” Nang oras ding iyon, nagalak siya sa Espiritu Santo at sinabi, “Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong ikinubli ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakakalugod sa iyong harapan. Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak, maliban sa Ama, at kung sino ang Ama maliban sa Anak at kaninumang ninanais ng Anak na pagpahayagan niya.” At pagharap niya sa mga alagad ay palihim niyang sinabi, “Mapapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig.”