Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 1:39-80

Lucas 1:39-80 RTPV05

Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!” At sinabi ni Maria, “Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad; dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Siya'y banal! Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig, nilito niya ang mga may palalong isip. Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad, at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman. Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel, at naalala ito upang kanyang kahabagan. Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!” Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi. Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. Tuwang-tuwa ang kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak nang mabalitaan nilang siya'y pinagpala ng Panginoon. Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, ngunit sinabi ni Elisabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol. Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na nasa kanya ang Panginoon. Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan. Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa angkan ni David na kanyang lingkod. Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta, na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway, mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin. Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno, at aalalahanin ang kanyang banal na tipan. Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham, na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway, upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot, at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay. Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos; sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan, at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan, ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos. Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan. Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.” Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na magpakilala siya sa bansang Israel.