Levitico 3
3
Mga Handog na Pangkapayapaan
1“Kung ang iaalay na handog pangkapayapaan ay isang baka, maging babae o lalaki man, kailangang ito'y walang kapintasan. 2Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibubuhos ng pari ang dugo sa paligid ng altar. 3Sa handog na ito kukuha ang pari ng parteng susunugin para kay Yahweh. Kukunin niya ang tabang nakabalot sa laman-loob at lahat ng taba nito; 4gayundin ang dalawang bato, ang taba sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 5Ang lahat ng ito'y ilalagay sa altar at susunugin ng mga pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.
6“Kung tupa o kambing ang handog pangkapayapaan, maging ito'y lalaki o babae, kailangang ito'y walang kapintasan. 7Kung tupa ang handog ng isang tao, ito'y dadalhin niya sa harapan ko. 8Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. 9Kukunin niya ang lahat ng taba, pati ang nasa buntot hanggang sa gulugod at ang bumabalot sa mga laman-loob. 10Kukunin din niya ang dalawang bato, pati ang taba nito sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. 11Ang lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari upang sunugin sa altar bilang pagkaing handog kay Yahweh.
12“Kung kambing naman ang handog ng isang tao, ihaharap niya ito kay Yahweh. 13Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. 14Kukunin niya ang lahat ng tabang bumabalot sa laman-loob, 15ang dalawang bato at ang tabang bumabalot dito, ang taba sa ibabaw ng balakang at sa atay. 16Lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari at susunugin sa altar bilang pagkaing handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Lahat ng taba ay kay Yahweh. 17Ito ang tuntuning susundin ninyo habang panahon saanman kayo naroroon: ‘Huwag kayong kakain ng taba o dugo.’”
Kasalukuyang Napili:
Levitico 3: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society