Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Josue 5:1-9

Josue 5:1-9 RTPV05

Nabalitaan ng mga haring Amoreo na nasa kanluran ng Jordan at ng mga haring Cananeo na nasa baybayin ng Dagat Mediteraneo na pinatuyo ni Yahweh ang Ilog Jordan nang tumawid ang bayang Israel. Dahil dito'y natakot silang lahat, at nasiraan sila ng loob sa pagdating ng mga Israelita. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Kumuha ka ng batong matalim, gawin mong panghiwa, at tuliin mo ang mga kalalakihan ng Israel.” Gayon nga ang ginawa ni Josue, tinuli niya ang mga lalaki sa isang lugar na tinatawag na Burol ng Pagtutuli. Ginawa niya ito sapagkat namatay na ang lahat ng mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma sa panahon ng paglalakbay noong sila'y umalis sa Egipto. Ang mga iyon ay pawang tuli na, ngunit ang mga isinilang sa panahon ng paglalakbay sa ilang ay hindi pa. Apatnapung taon nang naglakbay sa ilang ang bayang Israel hanggang sa namatay lahat ang mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma nang sila'y umalis sa Egipto. Sinuway nila si Yahweh, kaya sinabi niya sa kanila na hindi nila makikita ang mayaman at masaganang lupain na ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Ang kanilang mga anak na lalaki na humalili sa kanila ang tinuli ni Josue, sapagkat ang mga ito'y hindi tinuli nang panahon ng paglalakbay. Matapos tuliin ang lahat ng kalalakihan, nanatili sa kampo ang buong bayan hanggang sa gumaling ang mga sugat. At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal magpahanggang ngayon.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya