Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Joel 2:15-25

Joel 2:15-25 RTPV05

Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion! Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat! Tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. Mga pari, tumayo kayo sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo, manangis kayo't manalangin nang ganito: “Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh! Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’” Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain, at naawa siya sa kanyang bayan. Ganito ang kanyang tugon: “Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis, upang kayo'y mabusog. Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa. Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga; itataboy ko ang iba sa disyerto. At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan; sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan. Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay. Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.” “Lupain, huwag kayong matakot; kayo ay magsaya't lubos na magalak dahil sa lahat ng ginawa ni Yahweh para sa inyo.” Mga hayop, huwag kayong matakot, luntian na ang mga pastulan. Namumunga na ang mga punongkahoy, hitik na sa bunga ang igos at ang ubas. “Magalak kayo, mga taga-Zion! Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos. Pinaulan niya nang sapat sa taglagas, at gayundin sa taglamig; tulad ng dati, uulan din sa tagsibol. Mapupuno ng ani ang mga giikan; aapaw ang alak at langis sa mga pisaan. Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim. Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.