Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOEL 2:15-25

JOEL 2:15-25 ABTAG01

Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion; magtakda kayo ng isang ayuno, tumawag kayo ng isang taimtim na pagtitipon. Tipunin ninyo ang bayan. Pakabanalin ang kapulungan; tipunin ang matatanda, tipunin ang mga bata, at ang mga sanggol na pasusuhin. Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kanyang silid, at ang bagong kasal na babae sa kanyang silid. Tumangis ang mga pari, ang mga lingkod ng PANGINOON sa pagitan ng portiko at ng dambana, at kanilang sabihin, “Maawa ka sa iyong bayan, O PANGINOON, at huwag mong gawing katatawanan ang iyong mana, na hinahamak ng mga bansa. Bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan, ‘Nasaan ang kanilang Diyos?’” PANGINOON At ang PANGINOON ay nanibugho para sa kanyang lupain, at nahabag sa kanyang bayan. At ang PANGINOON ay sumagot at sinabi sa kanyang bayan, “Narito, ako'y magpapadala sa inyo ng trigo, alak, at langis, at kayo'y mabubusog; at hindi ko kayo gagawing isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa. “Aking ilalayo nang malayo sa inyo ang mula sa hilaga, at itataboy ko siya sa tuyo at sirang lupain, ang kanyang unaha'y sa dagat silangan, at ang kanyang hulihan ay sa dagat kanluran; ang kanyang baho at masamang amoy ay aalingasaw, sapagkat siya'y gumawa ng malalaking bagay. “Huwag kang matakot, O lupa, ikaw ay matuwa at magalak; sapagkat ang PANGINOON ang gumawa ng mga dakilang bagay! Huwag kayong matakot, kayong mga hayop sa parang; sapagkat ang mga pastulan sa ilang ay sariwa; ang punungkahoy ay nagbubunga, ang puno ng igos at ang puno ng ubas ay saganang nagbubunga. “Kayo'y matuwa, O mga anak ng Zion, at magalak sa PANGINOON ninyong Diyos; sapagkat kanyang ibinigay ang maagang ulan para sa inyong ikawawalang-sala, kanyang ibinuhos para sa inyo ang isang masaganang ulan, ang maaga at ang huling ulan, gaya nang dati. Ang mga giikan ay mapupuno ng trigo, at ang mga sisidlan ay aapawan ng alak at langis. “Aking isasauli sa inyo ang mga taon na kinain ng kuyog na balang, ng gumagapang na balang, at ng maninirang balang, at ng nagngangatngat na balang na siyang aking malaking hukbo, na aking sinugo laban sa inyo.