Muling nagsalita si Jesus sa mga Pariseo. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.”
Sinabi naman sa kanya ng mga Pariseo, “Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang kabuluhan ang ganyang patotoo.”
Sumagot si Jesus, “Kahit ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, totoo naman ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi lamang ako ang humahatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. Nasusulat sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi. Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.”
Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong ama?”
Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.”
Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa dakong kinaroroonan ng mga lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa iyon ang itinakdang panahon.
Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y aalis at hahanapin ninyo ako; ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad ang inyong mga kasalanan.”
Nag-usap-usap ang mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinabing ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”
Kaya't sinabi ni Jesus, “Kayo'y mula dito sa ibaba, ako'y mula sa itaas. Kayo'y taga-sanlibutang ito, ngunit ako'y hindi, kaya sinabi ko sa inyong mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako'y Ako Nga’, mamamatay nga kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan.”
“Sino ka nga bang talaga?” tanong nila.
Sumagot si Jesus, “Matagal ko nang sinabi sa inyo kung sino ako. Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo ang sinasabi ng nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.”
Hindi nila nauunawaan na ang Ama ang tinutukoy niya. Kaya't sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako'y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.”
Maraming nakarinig nito ang sumampalataya sa kanya.
Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
Sumagot sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?”
Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang namumuhay sa kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. Kayo'y tunay na lalaya kapag pinalaya kayo ng Anak. Nalalaman kong mula kayo kay Abraham, ngunit pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking mga aral. Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.”
Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.”
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, tinularan sana ninyo ang kanyang ginawa. Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.”
Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.”
Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw n'yong tanggapin ang itinuturo ko? Ang diyablo ang inyong ama! At ang kagustuhan niya ang ibig ninyong gawin. Noon pa man ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Likas sa kanya ang magsinungaling, sapagkat siya'y talagang sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? Ang mula sa Diyos ay dumirinig ng mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”