Nabalitaan ng mga Pariseo na si Jesus ay mas maraming nahihikayat na maging alagad at nababautismuhan kaysa kay Juan. Ngunit ang totoo'y hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo, kundi ang kanyang mga alagad. Nang ito'y malaman ni Jesus, siya'y umalis sa Judea at bumalik sa Galilea ngunit kailangang sa Samaria siya dumaan.
Dumating siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil siya'y napagod sa paglalakbay, umupo si Jesus sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon.
May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari mo ba akong bigyan ng maiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan.
Sinabi sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako! Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano.
Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka naman niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”
Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang panalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?”
Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”
Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.”
“Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus.
“Wala akong asawa,” sagot ng babae.
Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.”
Sinabi ng babae, “Ginoo, isa kang propeta, hindi nga ba? Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.”