Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?”
“Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”
Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?”
At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na di mo gusto.” Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paanong mamamatay si Pedro at kung paano niya pararangalan ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!”
Lumingon si Pedro at nakita niyang kasunod niya ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?”