Pagdating niya ay kanyang patutunayan sa mga taga-sanlibutan na mali ang pagkakilala nila tungkol sa kasalanan, tungkol sa pagiging matuwid, at tungkol sa paghatol ng Diyos. Mali sila tungkol sa kasalanan sapagkat hindi sila nananalig sa akin. Mali sila tungkol sa pagiging matuwid sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; at tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng mundong ito.
“Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanang galing sa Diyos. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”
“Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.”
Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”
Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan.
“Kapag naghihirap na ang isang babaing manganganak, siya'y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, hindi na niya naaalala ang hirap; nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.
“Gayundin naman kayo, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli tayong magkikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”
“Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinhaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. Mahal kayo ng Ama; minamahal niya kayo sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos. Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa daigdig; ngayo'y aalis na ako sa daigdig at babalik na sa Ama.”