Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 15:18-27

Juan 15:18-27 RTPV05

“Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nila bago kayo. Kung kayo'y taga-sanlibutan, mamahalin nila kayo, sapagkat kayo'y kabilang sa kanila. Hindi kayo taga-sanlibutan. Sila'y napopoot sa inyo dahil pinili ko kayo. Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping nakakahigit kaysa sa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. Kung hindi ako naparito at nangaral sa kanila, hindi sana mapatutunayang nagkasala sila. Ngunit ngayo'y hindi na sila makakaiwas na panagutan ang kanilang kasalanan. Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawaing hindi pa nagagawa ninuman, wala sana silang kasalanan. Ngunit nakita na nila ang aking mga gawa subalit sa kabila nito'y kinapootan pa rin nila ako at ang aking Ama. Subalit nangyari ito upang matupad ang sinasabi sa kanilang Kautusan, ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’ “Ngunit sa pagdating ng Tagapagtanggol, ang Espiritu ng katotohanan, na susuguin ko mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa'y kasama ko na kayo.