Mapalad kayo kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin.
“Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit dapat matupad ang sinasabi sa kasulatan, ‘Pinagtaksilan ako ng taong pinapakain ko.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang kapag ito'y nangyari na, sasampalataya kayo na ‘Ako'y Ako nga’. Pakatandaan ninyo, ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap naman sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, “Pakatandaan ninyo: ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo.”
Nagsimulang magtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya, kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, “Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya.” Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, “Panginoon, sino po ba iyon?”
“Siya ang taong aabutan ko ng tinapay na aking isinawsaw,” sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, “Gawin mo na ang dapat mong gawin.” Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon. Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha.
Nang makain na ni Judas ang tinapay, kaagad itong umalis. Noon ay gabi na.
Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay mahahayag din ang karangalan ng Diyos. At kapag nahayag na ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at ito'y gagawin niya agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’
“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.”
“Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko'y hindi ka makakasunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.”
Sumagot si Pedro, “Bakit po hindi ako makakasunod sa inyo ngayon? Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.”
Sumagot si Jesus, “Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Pakatandaan mo: bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.”