Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 13:17-38

JUAN 13:17-38 ABTAG01

Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin. Hindi ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit ito ay upang matupad ang kasulatan, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.’ Sinasabi ko na sa inyo ngayon bago ito mangyari, upang kapag ito ay nangyari ay maniwala kayo na Ako Nga. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumatanggap sa aking sinugo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap siya na nagsugo sa akin.” Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito, siya'y nabagabag sa espiritu, at nagpatotoo, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” Ang mga alagad ay nagtinginan sa isa't isa na hindi tiyak kung sino ang tinutukoy niya. Isa sa kanyang mga alagad, na minamahal ni Jesus, ang nakahilig malapit kay Jesus. Hinudyatan siya ni Simon Pedro upang itanong kay Jesus kung sino ang tinutukoy niya. Kaya't yamang nakahilig malapit kay Jesus ay sinabi sa kanya, “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus, “Siya iyong aking bibigyan ng tinapay pagkatapos na maisawsaw ko ito.” Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote. Pagkatapos na matanggap ang kapirasong tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Gawin mong mabilis ang iyong gagawin.” Hindi nalalaman ng sinumang nasa hapag ang dahilan kung bakit niya sinabi ang mga ito sa kanya. Iniisip ng ilan na sapagkat si Judas ang may hawak ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kanya, “Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista,” o, magbigay siya ng anuman sa mga dukha. Kaya't pagkatapos tanggapin ang tinapay ay nagmamadali siyang lumabas. Noon ay gabi na. Nang siya'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, “Ngayon ay niluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay niluwalhati sa kanya; kung ang Diyos ay niluwalhati sa kanya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa kanya, at luluwalhatiin siya kaagad. Maliliit na mga anak, makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin. At gaya ng sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko sa inyo ngayon, ‘Sa pupuntahan ko, ay hindi kayo makakapunta.’ Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y magmahalan sa isa't isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa't isa. Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa akin ngayon; ngunit pagkatapos ay makakasunod ka.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko para sa iyo.” Sumagot si Jesus, “Ang buhay mo ba'y ibibigay mo dahil sa akin? Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok, hanggang ipagkaila mo ako ng tatlong beses.