Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 11:32-44

Juan 11:32-44 RTPV05

Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Jesus, kaya't sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?” Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus. Ngunit sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.” Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka sa akin ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dinirinig mo ako, at alam kong lagi mo akong diringgin. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakatakip ring tela sa mukha. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalaya.”