Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 1:5-25

Juan 1:5-25 RTPV05

Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman. At naparito si Juan na isinugo ng Diyos upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao. Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos. Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan. Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’” Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan. Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama. Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.” “Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propeta?” Sumagot siya, “Hindi rin.” “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias, “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’” Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”