Kinabukasan, nakita ni Juan na si Jesus ay lumalapit sa kanya. Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.” Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siya ring nagsabi sa akin, ‘Ang sinumang makikita mong bababaan at pananatilihan ng Espiritu, siya ang magbabautismo ng Espiritu Santo sa inyo.’ Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.” Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Siya ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus. Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon. Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” (Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo). At isinama ni Andres si Simon kay Jesus. Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas” (na ang kahulugan ng pangalang ito ay Pedro).
Basahin Juan 1
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Juan 1:29-42
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas