Sana'y naging balon ng tubig itong aking ulo,
at bukal ng luha itong mata ko,
upang ako'y may iluha sa maghapon at magdamag
para sa aking mga kababayang namatay.
Sana'y may mapagtaguan ako doon sa disyerto,
kung saan malayo ako sa aking mga kababayan.
Sila'y mapakiapid
at pawang mga taksil.
Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan;
kasamaan ang namamayani sa halip na katotohanan.
Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Sunod-sunod na kasamaan ang ginagawa ng aking bayan,
at ako'y hindi nila nakikilala.”
Mag-ingat kayo kahit sa inyong mga kaibigan,
kahit kapatid ay huwag pagkatiwalaan;
sapagkat mandaraya lahat ng kapatid, katulad ni Jacob,
at bawat isa'y naninira sa kanyang kaibigan.
Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa,
walang nagsasabi ng katotohanan;
dila nila'y sanay sa pagsisinungaling,
sila'y patuloy sa pagkakasala, at hindi naiisip ang magsisi.
Ang kanilang kasalanan ay patung-patong na,
hindi tumitigil sa pandaraya sa iba.
Kahit na si Yahweh hindi kinikilala.
Kaya sinabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
“Pahihirapan ko ang bansang ito upang sila'y subukin.
Sapagkat ano pa ang aking magagawa sa bayan kong naging masama?
Parang makamandag na pana ang kanilang mga dila,
lahat ng sinasabi ay pawang pandaraya.
Magandang mangusap sa kanilang kapwa,
ngunit ang totoo, balak nila ay masama.
Hindi ba nararapat na parusahan ko sila?
Hindi ba dapat lang na maghiganti ako sa kanila?
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”
Ang sabi ni Jeremias, “Ang mga bundok ay aking tatangisan,
at iiyakan ko ang mga pastulan;
sapagkat natuyo na ang mga damo, at wala nang nagdaraang tao.
Hindi na naririnig ang unga ng mga baka;
pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na.”
Ang sabi ni Yahweh: “Ang Jerusalem ay wawasakin ko.
Kanyang mga pader, paguguhuin ko,
at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat.
Magiging disyerto, mga lunsod ng Juda,
wala nang taong doon ay titira.”
At nagtanong si Jeremias, “Yahweh, bakit po nasalanta ang lupain at natuyo tulad sa isang disyerto, kaya wala nang may gustong dumaan? Sinong matalino ang makakaunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?”
Sumagot si Yahweh, “Nangyari ito sapagkat tinalikuran ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila sumunod sa akin. Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyosang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang. Kaya, akong si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ganito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason ang ipapainom ko sa kanila. Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.”
Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Isipin ninyo ang mga nangyayari!
Tawagin ninyo ang mga taga-iyak,
ang mga babaing sanay managhoy.”
Sabi naman ng mga tao,
“Pagmadaliin sila upang managhoy para sa atin,
hanggang sa bumalong ang ating mga luha
at mamugto sa pag-iyak ang ating mga mata.”
Dinggin mo ang panaghoy sa Zion,
“Nasalanta na tayo!
Napakalaking kahihiyan nito!
Lisanin na natin ang ating lupain;
sapagkat wasak na, mga tahanan natin.”
Sinabi naman ni Jeremias,
“Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh,
at unawain ang kanyang sinasabi.
Turuan ninyong managhoy ang inyong mga anak na babae,
gayon din ang kanilang mga kaibigan.
Nakapasok na ang kamatayan sa ating mga tahanan,
at sa magagarang palasyo;
pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan,
at ang mga kabataang nasa pamilihan.
Nagkalat kahit saan ang mga bangkay,
tila bunton ng dumi sa kabukiran,
parang uhay na ginapas ng mga mang-aani
at saka iniwang walang nag-iipon.
Ito ang ipinapasabi sa akin ni Yahweh.”
Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan
o ng malakas ang lakas na kanyang taglay
ni ng mayaman ang kanyang kayamanan.
Kung may nais magmalaki,
ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin,
sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago,
makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko.
Ito ang mga bagay na nais ko.
Ako, si Yahweh ang nagsasabi nito.”