Jeremias 6
6
Pinaligiran ng mga Kaaway ang Jerusalem
1Mga anak ni Benjamin, tumakas na kayo! Lisanin na ninyo ang Jerusalem! Hipan ang trumpeta sa buong Tekoa, at ibigay ang hudyat sa Beth-hakerem. Sapagkat dumarating na mula sa hilaga ang isang malaking sakuna at pagkawasak. 2Lunsod ng Zion, katulad ka ng isang magandang pastulan. 3Ngunit pupuntahan ka ng mga hari at magkukuta ang kanilang mga hukbo saanman nila magustuhan at paliligiran ka ng kanilang mga tolda. 4Sasabihin nila, “Humanda kayo at sasalakayin natin ang Jerusalem! Bandang tanghali tayo sasalakay!” Ngunit sasabihin nila pagkatapos, “Huli na tayo! Lumulubog na ang araw at unti-unti nang dumidilim. 5Subalit humanda rin kayo! Ngayong gabi tayo lulusob, at wawasakin natin ang mga kuta ng lunsod.”
6Inutusan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga haring ito na pumutol ng mga punongkahoy at magbunton ng lupa upang maging kublihan nila sa kanilang pagkubkob sa Jerusalem. Ang sabi niya, “Paparusahan ko ang lunsod na ito sapagkat naghahari dito ang pang-aapi. 7Patuloy ang paglaganap ng kasamaan sa Jerusalem, tulad ng pagbalong ng tubig sa balon. Karahasan at pagkawasak ang nababalita; karamdaman at mga sugat ang aking nakikita sa paligid. 8Mga taga-Jerusalem, ang mga ito'y magsilbing babala sa inyo, sapagkat kung hindi, iiwan ko kayo. Ang inyong lunsod ay gagawin kong disyerto, isang lugar na walang maninirahan.”
Mapaghimagsik ang Israel
9Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Uubusin ang Israel katulad ng isang ubasang walang ititirang bunga. Kaya't tipunin mo ang lahat ng maaari mong iligtas, habang may panahon pa.”
10Ang sabi ko naman “Sino po ang makikinig sa akin, kung sila'y kausapin ko at bigyang babala? Sarado ang kanilang mga pakinig. Ayaw nilang pakinggan ang iyong mga mensahe at pinagtatawanan pa ang sinasabi ko. 11Ang pagkapoot mo, Yahweh, ay nararamdaman ko at hindi ko na kayang matagalan.”
At sinabi sa akin ni Yahweh, “Ibuhos mo ang aking poot sa mga batang nasa lansangan, at sa mga kabinataang nagkakatipon. Bibihagin din ang mga mag-asawa, kasama pati matatanda na. 12Ibibigay#Jer. 8:10-12. sa iba ang kanilang mga bahay, gayon din ang kanilang bukirin at mga asawa. Paparusahan ko ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito. 13Ang kasakiman ay laganap sa lahat, dakila at hamak; pati mga pari at propeta man ay mandaraya. 14Hindi#Eze. 13:10. nila pansin ang kahirapan ng aking bayan; ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 15Nahihiya ba sila sa ginawa nilang kalikuan? Hindi na sila tinatablan ng hiya, makapal na ang kanilang mukha. Kaya't sila'y babagsak tulad ng iba. Ito na ang kanilang wakas, kapag sila'y aking pinarusahan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Tinanggihan ng Israel ang Paraan ng Diyos
16Sinabi#Mt. 11:29. ni Yahweh sa kanyang bayan, “Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang lumang kalsada, at alamin kung saan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan.”
Subalit ang sabi nila, “Ayaw naming dumaan doon.” 17Kaya't si Yahweh ay humirang ng mga bantay upang marinig ng Israel ang tunog ng kanilang trumpeta. Ngunit sabi nila, “Hindi namin iyon papakinggan.”
18Kaya sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, mga bansa, upang malaman ninyo ang mangyayari sa sarili kong bayan. 19Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito'y mapapahamak bilang parusa at iyon ang nararapat sa kanila, sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga utos, at itinakwil ang aking katuruan. 20Walang halaga sa akin ang kamanyang kahit na galing pa iyon sa Seba. Hindi ko rin kailangan ang mga pabangong mula sa malalayong lupain. Ang mga handog nila'y hindi katanggap-tanggap. Hindi ako malulugod sa kanilang mga hain.” 21Sabi pa ni Yahweh: “Maglalagay ako ng katitisuran nila, at silang lahat ay madadapa. Mamamatay ang mga magulang at mga anak, gayon din ang mga kaibigan at kapitbahay.”
Paglusob ng mga Taga-hilaga
22Sinasabi ni Yahweh: “Isang malakas na bansa mula sa hilaga ang naghahanda sa pakikidigma. 23Mga pana't sibat ang kanilang sandata; sila'y malulupit at walang awa. Kapag nakasakay sila sa kanilang mga kabayo, nagngangalit na dagat ang kanilang katulad. Handa na silang salakayin ang Jerusalem.”
24Ang sabi naman ng mga taga-Jerusalem: “Narinig na namin ang balita, at nanlulupaypay kaming lahat. Labis kaming naghihirap, katulad ng isang babaing manganganak. 25Ayaw na naming lumabas sa kabukiran o lumakad kaya sa mga daan, sapagkat ang mga kaaway ay may mga sandata. Takot ang nadarama naming lahat.”
26Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Kung gayon, magsuot kayo ng damit na panluksa, at gumulong kayo sa abo. Manangis na kayo nang buong pait, na parang nawalan ng bugtong na anak, sapagkat biglang sasalakay ang magwawasak sa inyo! 27Jeremias, suriin mo ang aking bayan, gaya ng pagsuri sa bakal, upang malaman ang uri ng kanilang pagkatao. 28Silang lahat ay mapaghimagsik, masasama, walang ginagawa kundi ang magkalat ng maling balita. Sintigas ng tanso at bakal ang kanilang kalooban, at pawang kabulukan ang ginagawa nila. 29Matindi na ang init ng pugon at nalusaw na ng apoy ang tingga, ngunit hindi pa rin matunaw ang dumi ng pilak. Hindi na dapat ipagpatuloy ang pagdalisay sa aking bayan sapagkat hindi naman naihiwalay ang masasama. 30Tatawagin silang pilak na patapon sapagkat akong si Yahweh ang nagtakwil sa kanila.”
Kasalukuyang Napili:
Jeremias 6: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society