Jeremias 31
31
Ang Pagbabalik ng mga Israelita
1“Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “ako'y magiging Diyos ng buong Israel at magiging bayan ko sila.”
2Ang sabi pa ni Yahweh, “Ang mga taong nakaligtas sa digmaan ay nakatagpo naman ng awa sa ilang. Nang ang Israel ay naghahanap ng kapahingahan, 3napakita ako sa kanila mula sa malayo; sa simula pa'y inibig ko na sila kaya patuloy akong magiging tapat sa kanila. 4Muli kitang itatayo, marilag na Israel. Hahawakan mong muli ang iyong mga tamburin, at makikisayaw sa mga nagkakasayahan. 5Muli kang magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria; magtatanim ang mga magsasaka, at masisiyahan sa ibubunga niyon. 6Sapagkat darating ang araw na hihiyaw ang mga bantay mula sa kaburulan ng Efraim, ‘Halikayo, umakyat tayo sa Zion, kay Yahweh na ating Diyos.’”
7Ang sabi ni Yahweh:
“Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob,
ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa;
magpuri kayo at inyong ipahayag
na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan,
ang mga nalabi sa Israel.
8Narito, sila'y ibabalik ko mula sa hilaga;
titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan,
kasama ang mga bulag at mga pilay,
ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak;
sila'y babalik na talagang napakarami!
9Uuwi silang nag-iiyakan habang daan,
nananalangin samantalang inaakay ko pabalik.
Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig,
pararaanin sa patag na landas upang hindi sila madapa.
Sapagkat ang Israel ay aking anak,
at si Efraim ang aking panganay.”
10“Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh,
at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
‘Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan,
gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.’
11Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob,
at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na higit na malakas sa kanya.
12Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Zion,
puspos ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh:
saganang trigo, bagong alak at langis,
at maraming bakahan at kawan ng tupa.
Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig,
hindi na sila muling magkukulang.
13Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga,
makikigalak pati mga binata't matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
14Bubusugin ko ng pinakamainam na pagkain ang mga pari,
at masisiyahan ang buong bayan sa kasaganaang aking ibibigay.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
Ang Pagkahabag ni Yahweh sa Israel
15Sinabi#Gen. 35:16-19; Mt. 2:18. ni Yahweh:
“Narinig sa Rama ang isang tinig—
panaghoy at mapait na pagtangis
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
16Sinasabi ni Yahweh:
“Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak,
huwag na kayong lumuha;
sapagkat gagantimpalaan ang inyong mga ginawa,
babalik sila mula sa lupain ng kaaway.
17May pag-asa sa hinaharap, sabi ni Yahweh,
magbabalik sa sariling bayan ang inyong mga anak.
18“Narinig kong nananaghoy ang mga taga-Efraim:
‘Pinarusahan ninyo kami
na parang mga guyang hindi pa natuturuan.
Ibalik ninyo kami nang kami'y gumaling,
sapagkat kayo si Yahweh na aming Diyos.
19Tumalikod kami sa inyo ngunit ngayo'y nagsisisi na;
natuto kami matapos ninyong parusahan.
Napahiya kami't nalungkot dahil nagkasala kami
sa panahon ng aming kabataan.’
20“Si Efraim ang aking anak na minamahal,
ang anak na aking kinalulugdan.
Kung gaano kadalas ko siyang pinaparusahan,
gayon ko siya naaalaala.
Kaya hinahanap ko siya,
at ako'y nahahabag sa kanya.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
21“Maglagay ka ng mga batong pananda sa iyong landas;
hanapin mo ang daang iyong nilakaran.
Magbalik ka, Israel, sa mga lunsod na dati mong tinirhan.
22Anak ko, hanggang kailan ka pa mag-aalinlangan?
Ako, si Yahweh, ay nagtatag ng isang bagong kaayusan:
ang babae ang siyang magtatanggol sa lalaki.”
Ang Kasaganaang Mararanasan ng Israel
23Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Muling sasabihin ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa kanyang mga lunsod, kapag ibinalik ko na sila sa kanilang tahanan:
‘Pagpapalain ni Yahweh
ang bundok na banal ng Jerusalem, na kanyang tinatahanan.’
24Ang mga nagsasaka at mga pastol ay muling magkakasamang maninirahan sa Juda. 25Bibigyan ko ng inumin ang nauuhaw, at bubusugin ang nanlulupaypay dahil sa matinding gutom. 26At masasabi ng sinumang tao: ‘Ako'y natulog at nagising na maginhawa.’”
27Sabi ni Yahweh, “Darating ang panahon na pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa Israel at sa Juda. 28Kung paano ako naging maingat nang sila'y aking ibagsak, bunutin, sirain, saktan, at lipulin, buong ingat ko rin silang itatanim at itatatag. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 29Pagdating#Eze. 18:2. ng panahong iyon, hindi na nila sasabihin, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin.’ 30Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas ang siyang mangingilo; mamamatay ang isang tao dahil sa kanyang kasalanan.”
31Sinasabi#Mt. 26:28; Mc. 14:24; Lu. 22:20; 1 Cor. 11:25; 2 Cor. 3:6. #Heb. 8:8-12. ni Yahweh, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda. 32Ito'y hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagama't para akong isang asawa sa kanila, sinira nila ang kasunduang ito. 33Ganito#Heb. 10:16. ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan. 34Hindi#Heb. 10:17. na nila kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan.”
35Si Yahweh ang naglagay ng araw upang lumiwanag sa maghapon,
at ng buwan at mga bituin upang tumanglaw sa magdamag;
siya ang nagpapagalaw sa dagat kaya umuugong ang mga alon;
ang pangalan niya'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!
36“Habang ang kaayusang ito'y nananatili,
hindi mawawala kailanman ang bansang Israel,” ito ang sabi ni Yahweh.
37“Kung masusukat ang kalangitan
o maaarok ang kalaliman ng lupa,
maaari kong itakwil ang buong Israel
dahil sa lahat ng kanilang ginawa.”
Ito'y nagmula sa bibig ni Yahweh.
38“Darating ang panahon na muling itatatag ang lunsod ng Jerusalem para sa karangalan ni Yahweh, mula sa Tore ng Hananel hanggang sa Panulukang Pinto. 39Ang hangganan nito'y lalampas sa burol ng Gareb saka liliko sa Goa. 40Ang buong libis na pinagtatapunan ng mga bangkay at abo, gayon din ang lahat ng bukirin sa itaas ng batis ng Kidron hanggang sa Pintuang Labasan ng mga Kabayo sa gawing silangan, ay itatalaga sa akin. Hindi na mawawasak o masasakop ninuman ang lunsod na ito.”
Kasalukuyang Napili:
Jeremias 31: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society