Kaya't pinauwi na ni Gideon ang lahat ng mga Israelita maliban sa tatlong daan. Iniwan sa mga ito ang lahat ng banga at ang mga trumpeta. Ang kampo ng mga Midianita ay nasa libis sa gawing ibaba nila. Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Lusubin na ninyo ang kampo ng mga Midianita sapagkat ibinigay ko na sila sa inyong kamay! Kung nag-aalinlangan ka pa hanggang ngayon, pumunta ka sa kampo kasama ang tagapaglingkod mong si Pura. Tiyak na lalakas ang loob mo kapag narinig mo ang kanilang usapan.” Kaya't si Gideon at si Pura ay palihim na nagpunta sa may kampo ng mga Midianita. Ang mga Midianita, pati ang mga Amalekita at mga tribo sa paligid ay naglipana sa kapatagan na parang mga balang sa dami. Ang kanilang mga kamelyo naman ay sindami ng buhangin sa dagat. Nang malapit na sina Gideon, may narinig silang nag-uusap. Ang sabi ng isa, “Napanaginipan kong may isang tinapay na sebadang gumulong sa ating kampo. Nagulungan daw ang tolda at ito'y bumagsak.” Sagot naman ng isa, “Iyon ay walang iba kundi ang tabak ng Israelitang si Gideon na anak ni Joas. Ang Midian at ang buong hukbo ay ibinigay na ng Diyos sa kanyang kamay.” Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, lumuhod siya at nagpuri sa Diyos. Pagkatapos, nagbalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “Bumangon na kayo! Ibinigay na ni Yahweh sa inyong mga kamay ang mga Midianita!” Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang tatlong daang tauhan. Bawat isa'y binigyan niya ng trumpeta at banga na may sulo sa loob. Sinabi niya sa kanila, “Kapag malapit na ako sa kanilang kampo, tumingin kayo sa akin at gawin ninyo ang gagawin ko. Kapag narinig ninyong hinihipan ko at ng aking pangkat ang aming mga trumpeta, hipan na rin ninyo ang inyong trumpeta sa palibot ng kampo, at sumigaw kayo ng, ‘Para kay Yahweh at para kay Gideon!’” Maghahating-gabi na. Halos kapapalit pa lamang ng pangkat ng tanod nang sina Gideon ay makalapit sa kampo ng mga Midianita. Hinipan nila ang kanilang mga trumpeta sabay basag sa mga dala nilang banga. Ganoon din ang ginawa ng dalawang pangkat. Hawak ng kanilang kaliwang kamay ang sulo at nasa kanan naman ang trumpeta habang sumisigaw ng, “Tabak ni Yahweh at ni Gideon!” Bawat isa'y hindi umaalis sa kanyang kinatatayuan sa paligid ng kampo, samantalang nagsisigawan at nagkakanya-kanyang takbuhan ang mga nasa kampo. At habang walang tigil sa pag-ihip ng trumpeta ang tatlong daang Israelita, pinaglaban-laban ni Yahweh ang mga nasa kampo. Kanya-kanya silang takbo tungo sa Cerera hanggang Beth-sita at Abel-mehola, malapit sa Tabata.
Basahin Mga Hukom 7
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Hukom 7:8-22
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas