Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Hukom 7:8-22

Hukom 7:8-22 ASND

Kaya pinauwi nga sila ni Gideon matapos ipaiwan ang mga dala nilang baon at mga trumpeta; pinaiwan din niya ang 300 taong napili. Ang kampo ng mga Midianita ay nasa ibaba lang ng bundok, kung saan sa itaas nito ay naroon sila Gideon. Nang gabing iyon, sinabi ng PANGINOON kay Gideon, “Maghanda ka na! Lusubin nʼyo na ang kampo ng mga Midianita, dahil ipapatalo ko sila sa inyo. Kung natatakot kang lumusob, isama mo ang lingkod mong si Pura at pumunta kayo sa kampo ng mga Midianita, at pakinggan nʼyo kung ano ang sinasabi nila. Tiyak na lalakas ang loob mong lumusob dahil sa maririnig mo.” Kaya pumunta silang dalawa sa hangganan ng kampo ng mga Midianita, kung saan may mga sundalong nagbabantay. Nagkampo sa lambak ang mga Midianita, Amalekita at ang iba pang mga tao sa silangan na parang kasindami ng balang. Ang mga kamelyo nila ay parang buhangin sa dagat na hindi mabilang. Nang naroon na sina Gideon, may narinig silang dalawang tao na nag-uusap. Sinabi ng isa, “Nanaginip ako na may isang pirasong tinapay na sebada na gumulong papunta sa kampo natin at tumama ito nang malakas sa isang tolda. Pagkatapos, natumba ang tolda at nawasak.” Sumagot ang isa, “Ang panaginip moʼy walang iba kundi ang espada ni Gideon, ang Israelitang anak ni Joash. Pagtatagumpayin siya ng Dios laban sa mga Midianita at sa ating lahat.” Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, nagpuri siya sa PANGINOON. At bumalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi niya sa kanyang mga kasamahan, “Magsipaghanda kayo dahil pagtatagumpayin tayo ng PANGINOON laban sa mga Midianita.” Hinati niya sa tatlong grupo ang 300 niyang tauhan, at binigyan ang bawat isa ng trumpeta at mga banga na may ilaw sa loob nito. At sinabi niya sa kanila, “Sundan nʼyo ako ng tingin. Kapag naroon na kami sa dulo ng kampo ng kalaban, gawin nʼyo kung ano ang gagawin ko. Kapag pinatunog ko at ng mga kasama ko ang mga trumpeta namin, ganoon din ang gawin nʼyo sa palibot ng kampo, at isigaw nʼyo nang malakas, ‘Para sa PANGINOON at kay Gideon!’ ” Maghahatinggabi na nang dumating si Gideon at ang 100 niyang kasama sa hangganan ng kampo ng kalaban, kapapalit lang ng guwardya noon. Pinatunog nina Gideon ang mga trumpeta nila at pinagbabasag ang kanilang mga banga. Ganoon din ang ginawa ng ibang grupo. At habang hawak nila ang ilaw sa kaliwang kamay at ang trumpeta sa kanang kamay, sumisigaw sila, “Lumaban tayo gamit ang ating espada para sa PANGINOON at kay Gideon.” Ang bawat isa ay pumwesto sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, pero ang mga kalaban nila ay nagsisisigaw na nagsitakas. Habang tumutunog ang trumpeta ng 300 Israelita, pinaglaban-laban ng PANGINOON ang mga Midianita sa loob ng kampo. Ang iba ay tumakas papunta sa Bet Shita malapit sa Zerera hanggang sa Abel Mehola malapit sa Tabat.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Hukom 7:8-22