Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito. Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin. Nilukuban siya ng Espiritu ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel. Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.
Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh. Dahil dito, si Eglon na hari ng Moab ay pinalakas ni Yahweh nang higit kaysa sa Israel. Nakipagsabwatan si Eglon sa mga Ammonita at mga Amalekita. Natalo nila ang Israel at nasakop ang Lunsod ng Palma. Labing-walong taóng sakop ni Eglon ang mga Israelita.
Subalit nang muling humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita, ginawa niyang hukom si Ehud na isang kaliwete, anak ni Gera buhat sa lipi ni Benjamin, upang sila'y iligtas. Siya ang pinagdala ng mga Israelita ng kanilang buwis kay Haring Eglon, kaya't si Ehud ay gumawa ng isang tabak na magkabila'y talim at isa't kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanan niyang hita, sa loob ng kanyang damit. At dinala nga ni Ehud ang mga buwis ng Israel kay Haring Eglon na isang napakatabang lalaki. Nang maibigay na ni Ehud ang mga buwis, pinauwi na niya ang mga nagbuhat nito. Ngunit pagdating sa may mga inukit na bato malapit sa Gilgal, nagbalik si Ehud sa hari at sinabi niya rito, “Kamahalan, mayroon po akong lihim na mensahe para sa inyo.”
Dahil dito, sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Iwan ninyo kami.” At umalis ang lahat sa harapan ng hari.
Lumapit si Ehud sa kinauupuan ng hari sa malamig na silid-pahingahan na nasa tuktok ng palasyo, at muling sinabi, “May ipinapasabi po sa akin ang Diyos para sa inyo.” At nang tumayo ang hari, binunot ng kaliwang kamay ni Ehud ang kanyang tabak na nakatago sa kanyang kanang hita at itinarak sa tiyan ng hari. Bumaon pati ang hawakan ng tabak at ito ay natakpan ng taba. Hindi na binunot ni Ehud ang patalim dahil tumagos ito hanggang sa likuran ng hari. Paglabas ni Ehud, isinara niya ang pinto at tuluy-tuloy na umalis. Nang magbalik ang mga lingkod ng hari, nakita nilang sarado ang pinto kaya inisip nilang nagbabawas ang hari. Hindi nila binuksan ang pinto at naghintay na lamang sila sa labas. Inabot na sila ng pagkainip ngunit hindi pa lumalabas ang hari. Kaya, binuksan na nila ang silid nito. At nakita nilang patay na ang hari at nakahandusay sa sahig.
Samantala, malayo na ang narating ni Ehud habang naghihintay ang mga lingkod ng hari. Nakalampas na siya sa mga inukit na bato at tumakas papuntang Seira. Pagdating sa kaburulan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta at nagsidatingan ang mga Israelita. At mula roon, pinangunahan niya sa pakikidigma ang mga ito. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin. Pagtatagumpayin kayo ni Yahweh laban sa mga Moabita.” Kaya't sila'y sumunod sa kanya at nasakop nila ang tawiran ng mga Moabita sa Jordan. Wala silang pinatawid doon kahit isa. Nang araw na iyon, nagwagi ang mga Israelita laban sa mga Moabita. Nakapatay sila ng may sampung libong Moabita na pawang matitipuno at malalakas; wala ni isa mang nakatakas. Mula noon, nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng walumpung taon.