Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hukom 3:1-11

Mga Hukom 3:1-11 RTPV05

Hinayaan ni Yahweh na manatili sa lupain ang ilang mga bansa upang subukin ang mga Israelitang hindi nakaranas makipagdigma sa Canaan. Ginawa niya ito upang turuang makipagdigma ang lahat ng salinlahi ng Israel, lalo na ang mga walang karanasan sa digmaan. Ang mga naiwan sa lupain ay ang limang lunsod ng mga Filisteo, lahat ng lunsod ng mga Cananeo, mga taga-Sidon at mga Hivita na nanirahan sa Bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Pasong Hamat. Ginamit sila ni Yahweh upang subukin kung susunod o hindi ang mga Israelita sa mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupaing iyon kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan. Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito. Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin. Nilukuban siya ng Espiritu ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel. Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.