Santiago 2
2
Babala Laban sa Pagtatangi
1Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. 2Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang mahirap na puro sulsi ang damit, 3at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” 4nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.
5Mga kapatid kong minamahal, tingnan ninyo nang mabuti! Hindi ba't ang pinili ng Diyos ay ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? 6Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang nagsasakdal sa inyo sa hukuman? 7Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?
8Mabuti#Lev. 19:18. ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos sa kaharian ng Diyos, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 9Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10Ang lumalabag sa isa, kahit tumupad sa iba pang mga utos ay lumalabag pa rin sa buong Kautusan, 11sapagkat#Exo. 20:14; Deut. 5:18; Exo. 20:13; Deut. 5:17. ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo na rin ang Kautusan. 12Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13Walang awa na hahatulan ng Diyos ang di-marunong maawa; ngunit ang maawain ay walang dapat ikatakot sa oras ng paghatol.
Pananampalataya at mga Gawa
14Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang naidudulot sa kanya iyon? 17Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.
18Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kasamang gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? 21Ang#Gen. 22:1-14; Ecc. 44:19-21; 1 Mcb. 2:52. ating amang si Abraham ay kinalugdan ng Diyos dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac, hindi ba? 22Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23Natupad#Gen. 15:6; 2 Cro. 20:7; Isa. 41:8. ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” 24Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang.
25Gayundin#Jos. 2:1-21. si Rahab, ang babaing bayaran; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y tinanggap bilang matuwid.
26Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.
Kasalukuyang Napili:
Santiago 2: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society