Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 28:5-29

Isaias 28:5-29 RTPV05

Sa araw na iyon, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang magiging maningning na korona ng mga nalabing hinirang. Siya ang papatnubay sa mga hukom upang maging makatarungan sa paghatol; at magbibigay ng tapang at lakas sa mga tagapagtanggol ng bayan laban sa mga kaaway. Sumusuray na sa kalasingan ang mga pari at mga propeta kaya sila'y nalilito. Hindi na maunawaan ng mga propeta ang nakikita nilang pangitain; at hindi na matuwid ang paghatol ng mga pari. Ang lahat ng mesa'y punô ng kanilang suka, nakakapandiri ang buong paligid. Ganito ang sinasabi nila laban sa akin: “Ano kaya ang palagay ng taong ito sa atin; sino bang nais niyang turuan at pagpaliwanagan? Ang sinabi niya'y para lamang sa mga batang musmos na nangangailangan pa ng gatas. Sinong makikinig sa kanyang pamamaraan: Isa-isang letra, isa-isang linya, at isa-isang aralin!” Kaya naman magsasalita si Yahweh sa bayang ito sa pamamagitan ng mga dayuhan, siya'y magtuturo. Ganito ang kanyang sasabihin: “Narito ang tunay na kapahingahan para sa mga napapagal,” ngunit hindi nila ito pinakinggan. Kaya ganito ang pagtuturo ni Yahweh sa kanila: “Isa-isang letra, isa-isang linya, at isa-isang aralin;” at sa kanilang paglakad, sila'y mabubuwal, mahuhulog sa bitag, masasaktan at mabibihag. Kaya't ngayon ay dinggin ninyo si Yahweh, kayong mga walang galang na pinuno, na namamahala sa Lunsod ng Jerusalem. Sapagkat sinabi ninyo, “Nakipagkasundo na kami sa kamatayan, gayundin sa daigdig ng mga patay. Kaya hindi na kami mapapahamak dumating man ang malagim na sakuna; ginawa na naming kuta ang kasinungalingan, at pandaraya ang aming kanlungan.” Ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: “Naglalagay ako sa Zion ng batong-panulukan, subok, mahalaga, at matatag na pundasyon; ‘Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.’ Gagawin kong panukat ang katarungan, at pamantayan ang katuwiran; wawasakin ng bagyo at aanurin ng baha ang lahat ng silungan ng kasinungalingan.” Ang pakikipagkasundo mo sa kamatayan at sa daigdig ng mga patay ay mawawalan ng bisa at masisira, at kapag dumating ang baha, lahat kayo'y matatangay. Araw-araw, sa umaga't gabi ang bahang ito'y daraan at kayo'y tatangayin; maghahasik ito ng sindak at takot upang maunawaan ang mensahe nito. Sapagkat mangyayari sa inyo ang isinasaad ng kasabihan: ‘Maikli ang kamang inyong higaan, at makitid ang kumot para sa katawan.’ Sapagkat tulad ng ginawa sa Bundok ng Perazim, tatayo si Yahweh at ipadarama ang kanyang galit; tulad din ng ginawa niya sa Libis ng Gibeon, gagawin niya ang kanyang magustuhan kahit hindi siya maunawaan, at tanging siya lang ang nakakaalam. Kaya huwag ka nang magyabang, baka ang gapos mo ay lalong higpitan. Sapagkat narinig ko na ang utos ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, na wasakin ang buong lupain. Itong aking tinig ay iyong dinggin, ang sinasabi ko'y iyong unawain. Ang nagsasaka ba'y lagi na lamang pag-aararo at pagsusuyod ang gagawin sa kanyang bukid? Hindi ba't kung maihanda na ang lupa, ito'y sinasabugan niya ng anis at linga? Hindi ba tinatamnan niya ito ng trigo't sebada at sa mga gilid naman ay espelta? Iyan ang tamang gawain na itinuro ng Diyos sa tao. Ang anis at linga ay hindi ginagamitan ng gulong o mabigat na panggiik. Banayad lamang itong nililiglig o pinapalo. Dinudurog ba ang butil na ginagawang tinapay? Hindi ito ginigiik nang walang tigil, pinararaanan ito sa hinihilang kariton ngunit hindi pinupulbos. Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, mahusay ang kanyang payo at kahanga-hanga ang kanyang karunungan.