Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hebreo 9:1-7

Mga Hebreo 9:1-7 RTPV05

Ang naunang kasunduan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. Itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; ang ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Naroon ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. At sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit ito'y hindi na namin ipapaliwanag nang isa-isa ngayon. Ganoon ang pagkakaayos ng loob ng toldang kanilang sinasambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa mga kasalanang nagawa niya at ng mga tao nang hindi nalalaman.