Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hebreo 10:26-39

Mga Hebreo 10:26-39 RTPV05

Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at magpatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Ang naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! Ang mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. Gaano kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at humamak sa mahabaging Espiritu? Sapagkat kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy! Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan. Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng kayamanan, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. Sapagkat, “Kaunting panahon na lamang; hindi na magtatagal, at si Cristo ay darating na. Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, ngunit kung siya'y tatalikod, hindi ko siya kalulugdan.” Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga sumasampalataya sa Diyos at naliligtas.