Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na sana silang dapat alalahanin, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan.
Dahil diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos:
“Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog,
at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan.
Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog.
Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos,
upang sundin ang iyong kalooban,’
ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.”
Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanan at sapat na paghahandog ng kanyang sarili.
Bawat pari ay naglilingkod araw-araw at naghahandog ng ganoon ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at pagkatapos ay umupo na sa kanan ng Diyos. Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga pinaging-banal ng Diyos.
Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,
“Ganito ang gagawin kong kasunduan sa kanila
pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”
Pagkatapos ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.” Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.
Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat ang nangako sa atin ay maaasahan. Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng ginagawa ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang araw ng Panginoon.