Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 6:1-12

Genesis 6:1-12 RTPV05

Napakarami na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae. Nang makita ng mga anak ng Diyos na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.” Nang panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon. Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao. Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.” Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh. Ito ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet. Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya