Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 27:1-29

Genesis 27:1-29 RTPV05

Si Isaac ay matanda na at halos hindi na makakita, kaya ipinatawag niya si Esau, ang anak niyang panganay. Sinabi niya rito, “Anak, matanda na ako at malapit nang mamatay. Pumunta ka sa parang at mangaso. Ihuli mo ako ng hayop at lutuin ang putahing gusto ko. Pagkakain ko'y igagawad ko sa iyo ang aking basbas bago ako mamatay.” Nakikinig pala si Rebeca samantalang kinakausap ni Isaac si Esau. Kaya't nang umalis ito upang sundin ang bilin ng ama, tinawag ni Rebeca si Jacob at sinabi, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau: ‘Ihuli mo ako ng hayop at lutuin mo para sa akin. Pagkakain ko, babasbasan kita sa harapan ni Yahweh bago ako mamatay.’ Kaya't ganito ang gawin mo, anak: Kumuha ka agad ng dalawang kambing na mataba at iluluto ko para sa iyong ama. Ipaghahanda ko siya ng pagkaing gustung-gusto niya, at ipakain mo sa kanya upang ikaw ang mabigyan ng basbas bago siya mamatay!” Ngunit sumagot si Jacob sa kanyang ina, “Balbon po si Esau, samantalang ako'y hindi. Malalaman ng aking ama na nililinlang ko siya kapag ako'y kanyang nahipo; susumpain niya ako sa halip na basbasan.” Sumagot ang ina, “Hayaan mong sa akin tumalab ang anumang sumpa niya. Basta't sumunod ka, anak; ako na ang bahala. Kumuha ka na ng kambing.” Kumuha nga si Jacob ng kambing, at iniluto ng kanyang ina ang putahing gustung-gusto ng kanyang ama. Binihisan ni Rebeca si Jacob ng pinakamagarang damit ni Esau na nakatabi sa bahay. Ang mga braso at leeg ni Jacob na walang balahibo'y binalutan niya ng balat ng kambing. Pagkatapos, ipinadala sa anak ang putahe na may kasama pang tinapay na niluto rin niya. Lumapit si Jacob kay Isaac. “Ama!” sabi niya. “Sino ka ba?” tanong nito. “Ako po si Esau,” sagot ni Jacob. “Nagawa ko na po ang inyong iniuutos sa akin. Narito na po ang gusto ninyong pagkain; bumangon na kayo at kainin na ninyo ito nang ako'y mabasbasan na ninyo pagkatapos.” “Napakadali mo naman yatang nakahuli?” tanong ni Isaac. “Tinulungan po ako ni Yahweh na inyong Diyos,” sagot ni Jacob. Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.” Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac. Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob, ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?” “Ako nga po,” tugon ni Jacob. Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak. “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama. Nang lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan: “Ang masamyong halimuyak ng anak ko, ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas; Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas, upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas ng saganang pag-aani at katas ng ubas. Hayaan ang mga bansa'y gumalang at paalipin; bilang pinuno, ikaw ay kilalanin. Igagalang ka ng mga kapatid mo, mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo. Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din, ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Genesis 27:1-29