Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 18:16-32

Genesis 18:16-32 RTPV05

Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin, sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain. Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.” Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.” Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham. Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama? Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon? Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!” At sumagot si Yahweh, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa limampung mabubuting tao.” “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, sapagkat ako'y isang hamak na tao lamang. Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang mabubuti, wawasakin pa rin ba ninyo ang lunsod?” “Hindi, hindi ko wawasakin alang-alang sa apatnapu't limang iyon,” tugon ni Yahweh. Nagtanong muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?” “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya. “Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang mabuting tao roon, wawasakin ba ninyo?” Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa tatlumpung iyon.” Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu na lamang ang mabubuting tao roon?” “Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa dalawampung iyon,” muling sagot sa kanya. Sa huling pagkakataon ay nagtanong si Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Paano po kung sampu lamang ang mabubuting tao roon?” “Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa sampung iyon,” sagot ni Yahweh.