Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Galacia 3:19-29

Mga Taga-Galacia 3:19-29 RTPV05

Kung ganoon, bakit pa ibinigay ang Kautusan? Ibinigay ito upang maipakita kung ano ang paglabag. Bago dumating ang anak na pinangakuan, ibinigay ang Kautusang ito sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa. Ang ibig bang sabihin nito'y sumasalungat ang Kautusan sa mga pangako ng Diyos? Hinding-hindi! Kung nakapagbibigay-buhay sana ang Kautusan, ang tao'y magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod niya rito. Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ng tao'y alipin ng kasalanan, kaya't ang ipinangako ng Diyos ay matatanggap sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo na ibibigay sa lahat ng sumampalataya. Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y ikinulong ng Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. Kaya't ang Kautusan ang naging tagapangalaga natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y mabilang na matuwid sa pamamagitan ng pananalig sa kanya. Ngayong sumasampalataya na tayo kay Cristo, wala na tayo sa pangangalaga ng Kautusan. Dahil sa inyong pananalig kay Cristo Jesus, kayong lahat ay anak ng Diyos. Ang buhay mismo ni Cristo ang isinuot sa inyo na parang damit nang kayo'y mabautismuhan sa kanya. Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. At kung kayo'y kay Cristo, kayo'y lahi ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.