Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GALACIA 3:19-29

GALACIA 3:19-29 ABTAG01

Bakit pa mayroong kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan. Ngayon, ang tagapamagitan ay nangangahulugan na may higit sa iisang panig; subalit ang Diyos ay iisa. Kung gayon, ang kautusan ba ay salungat sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat kung ibinigay ang isang kautusan na makapagbibigay-buhay, samakatuwid, ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan. Subalit ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang ipinangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa mga sumasampalataya. Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag. Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya. Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil. Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.