Ang lahat ng umaasa sa mga gawa ayon sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod at hindi gumagawa ng lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang pinawalang-sala ay mabubuhay dahil sa pananampalataya.” Ang Kautusan ay walang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.”
Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.” Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay matatanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-kabuluhan ninuman. Hindi rin ito maaaring dagdagan. Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo. Ito ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang kanyang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng 430 taon, ni hindi rin mapapawalang-saysay ng Kautusang ito ang mga pangako ng Diyos. Kung ang pamana ay ipinagkakaloob dahil sa Kautusan, hindi na ito dahil sa pangako. Ngunit ang pamana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako.
Kung ganoon, bakit pa ibinigay ang Kautusan? Ibinigay ito upang maipakita kung ano ang paglabag. Bago dumating ang anak na pinangakuan, ibinigay ang Kautusang ito sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa.
Ang ibig bang sabihin nito'y sumasalungat ang Kautusan sa mga pangako ng Diyos? Hinding-hindi! Kung nakapagbibigay-buhay sana ang Kautusan, ang tao'y magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod niya rito. Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ng tao'y alipin ng kasalanan, kaya't ang ipinangako ng Diyos ay matatanggap sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo na ibibigay sa lahat ng sumampalataya.
Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y ikinulong ng Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. Kaya't ang Kautusan ang naging tagapangalaga natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y mabilang na matuwid sa pamamagitan ng pananalig sa kanya. Ngayong sumasampalataya na tayo kay Cristo, wala na tayo sa pangangalaga ng Kautusan.
Dahil sa inyong pananalig kay Cristo Jesus, kayong lahat ay anak ng Diyos. Ang buhay mismo ni Cristo ang isinuot sa inyo na parang damit nang kayo'y mabautismuhan sa kanya. Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. At kung kayo'y kay Cristo, kayo'y lahi ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.