Exodo 28
28
Ang Kasuotan ng mga Pari
(Exo. 39:1-7)
1“Ipatawag mo ang kapatid mong si Aaron at ang mga anak niyang sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ibukod mo sila sa karamihan ng mga Israelita upang maglingkod sa akin bilang mga pari. 2Ipagpagawa mo ang kapatid mong si Aaron ng maganda at marangal na kasuotang nararapat sa kanyang banal na gawain. 3Ang mga kasuotang ito ay ipagawa mo sa mga taong binigyan ko ng kahusayan sa paggawa nito. Kailangan ito ni Aaron sa paglilingkod sa akin bilang pari. 4Ito ang kasuotang ipapagawa mo: pektoral, efod, abito, mahabang panloob na kasuotan, turbante at pamigkis. Ipagpagawa mo ng sagradong kasuotan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki upang magamit nila sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 5Ang mga kasuotang ipapagawa mo ay gagamitan ng ginto, lanang asul, murado at pula, at pinong sinulid na lino.
Ang Efod
6“Ang efod ay gagawin nilang yari sa ginto, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at hinabing telang lino at buburdahan nang maganda. 7Palagyan mo ito ng dalawang tali sa balikat na siyang magdudugtong sa harap at likod. 8Kabitan ito ng pamigkis na yari din sa ginto, lanang asul, kulay ube at pula, at hinabing telang lino.
9“Kumuha ka ng dalawang batong kornalina at ipaukit mo roon ang pangalan ng labindalawang anak na lalaki ni Israel, 10tig-anim sa bawat bato ayon sa pagkakasunod ng kanilang kapanganakan. 11Ipagawa mo ito sa mahusay na platero at ipakabit mo ito sa lalagyang ginto. 12Ikakabit ito sa tali sa balikat ng efod bilang tagapagpaalala sa labindalawang anak na lalaki ni Israel. Sa ganitong paraan, dadalhin ni Aaron sa kanyang mga balikat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ni Israel upang sila'y maalala ni Yahweh.
13“Magpapagawa ka rin ng dalawa pang patungang ginto, 14at dalawang nilubid na ginto na ikakabit mo sa dalawang patungan.
Ang Pektoral
(Exo. 39:8-21)
15“Gumawa ka rin ng pektoral na gagamitin ng pinakapunong pari sa pag-alam ng kalooban ni Yahweh. Buburdahan ito nang maganda, tulad ng sa efod. Ang gagamitin dito'y ginto, lanang kulay asul, kulay ube at pula, at telang lino. 16Gawin mo itong parisukat at magkataklob: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. 17Lagyan ito ng apat na hilera ng mga mamahaling bato. Sa unang hilera ay rubi, topaz at karbungko. 18Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. 19Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. 20At sa ikaapat na hilera ay berilo, kornalina at jasper. Ang mga ito'y ikakabit sa patungang ginto. 21Labindalawa lahat ang batong gagamitin upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. 22Gumawa ka ng dalawang maliliit na lubid na ginto at ikabit mo sa pektoral. 23Kabitan mo ito ng dalawang argolyang ginto sa mga sulok sa itaas, 24at dito itatali ang dalawang lubid na ginto. 25Ang kabilang dulo ng mga ito ay ikakabit naman sa dalawang patungang ginto na nasa tali sa balikat ng efod, sa gawing harapan. 26Kabitan mo rin ng tig-isang argolyang ginto sa magkabilang sulok sa ibaba, sa bandang loob, malapit sa efod. 27Gumawa ka ng dalawa pang argolyang ginto, ikabit mo ito sa tali sa balikat ng efod, sa harapan, sa tabi ng dugtungan, sa gawing itaas ng pamigkis. 28Ang argolya ng pektoral at ang argolya ng efod ay pagkakabitin ng lubid na asul para huwag magkahiwalay.
29“Kaya, pagpasok ni Aaron sa Dakong Banal na suot ang pektoral, dala niya, sa tapat ng kanyang puso, ang pangalan ng mga lipi ng Israel upang sila'y maalala ni Yahweh. 30Ilalagay#Bil. 27:21; Deut. 33:8; Ez. 2:63; Neh. 7:65 naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito'y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya'y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel.
Ang Iba pang Kasuotan ng Pari
(Exo. 39:22-31)
31“Gumawa rin kayo ng damit na ilalagay sa ilalim ng efod. Ito'y yari sa telang kulay asul. 32Lalagyan ito ng butas sa suotan ng ulo at lalagyan ng tupi ang paligid ng butas tulad ng karaniwang baro, upang hindi matastas. 33Gagawa#Ecc. 45:9 ka ng palawit na parang bunga ng punong granada na yari sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at ikakabit mo sa laylayan. Pagkatapos, lagyan mo ng kampanilyang ginto ang pagitan ng mga palawit. 34Ang magiging ayos nito ay isang hanay ng magkasalit na kampanilya at palawit sa buong laylayan. 35Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay.
36“Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’ 37Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante, 38sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog.
39“Ipagpagawa mo si Aaron ng mahabang panloob na kasuotan at turbanteng yari sa telang lino at pamigkis na buburdahan nang maganda.
40“Ang mga anak naman ni Aaron ay ipagpapagawa mo ng mahabang panloob na kasuotan, pamigkis at karaniwang turbante upang sila'y maging kagalang-galang at maayos tingnan. 41Ipasuot mo ito sa kapatid mong si Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Buhusan mo sila ng langis, italaga at ilaan sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 42Ipagpapagawa mo rin sila ng linong salawal na hanggang hita para hindi makita ang kanilang kahubaran. 43Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ay magsusuot nito pagpunta sa Toldang Tipanan o paglapit sa altar sa Dakong Banal para hindi magkasala at nang hindi sila mamatay. Mananatili itong tuntunin para kay Aaron at sa kanyang salinlahi.
Kasalukuyang Napili:
Exodo 28: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society