Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ester 2:1-9

Ester 2:1-9 RTPV05

Naging Reyna si Ester Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Subalit patuloy pa rin nitong naaalaala si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. Kaya't iminungkahi ng kanyang mga lingkod, “Bakit di kayo magpahanap ng magaganda at kabataang dalaga, Kamahalan? Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. Ang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang mungkahing ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya'y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya'y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. Isa siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. Si Mordecai ay may isang napakaganda at kabigha-bighaning pinsang dalaga na ulilang lubos at siya na ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester (Hadasa naman sa Hebreo). Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak. Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae.