Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Mangangaral 3

3
May Takdang Panahon Para sa Lahat
1Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.
2Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
3Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
4Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
5Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
6Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
7Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
8Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.
9Ano ang mapapala ng tao sa kanyang pinagpaguran? 10Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. 11Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas. 12Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay. 13Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. 14Alam kong mamamalagi ang lahat ng ginawa ng Diyos: wala nang kailangang idagdag, wala ring dapat bawasin. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao'y magkaroon ng takot sa kanya. 15Lahat ng nangyayari ngayon ay nangyari na noong una, gayon din ang magaganap pa. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari.
Kawalan ng Katarungan
16Nakita ko rin sa mundong ito na ang katarungan at pagiging matuwid ay nababahiran pa rin ng kasamaan. 17Sa loob-loob ko'y hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda siyang panahon para sa lahat ng bagay. 18Tungkol sa tao, naisip kong sila ay sinusubok ng Diyos upang ipakilalang ang tao ay tulad lamang ng mga hayop. 19Ang hantungan ng tao at ng hayop ay iisa; lahat ay mamamatay. Ang tao'y walang kaibahan sa hayop, sapagkat ang lahat ay walang kabuluhan.#19 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan. 20Iisa ang kauuwian: lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi. 21Sino ang nakakatiyak kung ang kaluluwa ng tao ay aakyat sa itaas at ang kaluluwa ng hayop ay mahuhulog sa kalaliman? 22Kaya naisip kong walang pinakamabuti sa tao kundi pakinabangan ang kanyang pinagpaguran; ito ang ating bahagi. At sino ang makakapagsabi sa kanya kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?

Kasalukuyang Napili:

Ang Mangangaral 3: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in