Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 3:1-18

Daniel 3:1-18 RTPV05

Si Haring Nebucadnezar ay nagpagawa ng rebultong ginto na dalawampu't pitong metro ang taas at may tatlong metro naman ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga pinuno ng mga rehiyon, mga pinuno ng mga hukbo, mga gobernador ng mga lalawigan, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, mga mahistrado at iba pang mga pinuno ng kaharian, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto. Nang nasa harap na sila ng rebulto, malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa lahat ng bansa at wika, na lumuhod at sumamba sa rebultong ipinagawa ni Haring Nebucadnezar sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, lira, sitar, alpa, at iba pang instrumento. Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis agad sa naglalagablab na pugon.” Nang marinig nga ng mga tao ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nebucadnezar. Sinamantala ito ng ilang mga mamamayan ng Babilonia upang paratangan ang mga Judio. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Mabuhay ang mahal na hari! Iniutos po ninyo na lumuhod at sumamba sa inyong rebultong ginto ang sinumang makarinig sa tugtog ng mga instrumento. At sinumang hindi sumunod ay ihahagis sa naglalagablab na pugon. Hindi po sumusunod sa utos ninyo sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ang mga Judiong inilagay ninyo bilang mga tagapamahala sa Babilonia. Hindi po sila naglilingkod sa inyong diyos ni sumasamba sa ipinagawa ninyong rebultong ginto.” Nagalit si Haring Nebucadnezar nang marinig ito, at ipinatawag niya ang tatlong lalaki. Sinabi niya, “Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos ni sumasamba sa rebultong ginto na aking ipinagawa? Iniuutos ko sa inyong lumuhod kayo at sumamba sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Sa palagay ba ninyo'y may diyos na makakapagligtas sa inyo mula sa aking kapangyarihan?” Sinabi nina Shadrac, Meshac at Abednego, “Mahal na haring Nebucadnezar, wala po kaming masasabi sa inyo tungkol sa bagay na ito. Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa naglalagablab na pugon at mula sa inyong kapangyarihan. Kung hindi man niya kami iligtas, hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga diyos ni sasamba sa rebultong ginto na ipinagawa ninyo.”