Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 10:1-10

Daniel 10:1-10 RTPV05

Nang ikatlong taon ng paghahari ni Ciro ng Persia, isang pahayag ang dumating kay Daniel na tinatawag ding Beltesazar. Ang pahayag na iyon ay totoo ngunit mahirap unawain. Ngunit naunawaan din ito ni Daniel sa pamamagitan ng pangitain. Noon, akong si Daniel ay tatlong linggo nang nagluluksa. Tatlong linggo na rin akong hindi kumain ng anumang masarap na pagkain, ni tumikim man lamang ng karne o alak. Ni hindi ako naglagay ng langis sa aking ulo. Noong ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang nakatayo ako sa pampang ng malaking Ilog Tigris, tumingala ako at may nakita akong isang lalaking nakadamit ng telang lino at may sinturong yari sa lantay na ginto. Ang katawan niya'y kumikinang na parang topaz at ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat. Nagliliyab na parang sulo ang kanyang mga mata at ang kanyang mga paa't kamay ay nagniningning na parang makinis na tanso. Ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao. Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitain sapagkat nagtakbuhang nanginginig sa takot at nagsipagtago ang aking mga kasama. Naiwan akong mag-isa, kaya ako lang ang nakakita sa pangitain. Nawalan ako ng lakas at ako'y namutla. Nagsalita ang lalaking iyon; at nang marinig ko ang kanyang tinig, walang malay akong nasubasob sa lupa. Walang anu-ano, may kamay na biglang humawak sa akin. Dahil sa takot, nanginginig pa rin ang aking mga kamay at mga tuhod.