Si Esteban ay tinanong ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang lahat ng ito?” Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ang dakila at makapangyarihang Diyos ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham nang siya'y nasa Mesopotamia pa, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwanan mo ang iyong lupain at mga kamag-anakan at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.’ “Kaya't umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, siya'y pinalipat ng Diyos sa lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. Gayunman, hindi pa siya binigyan dito ng Diyos ng kahit na kapirasong lupa, ngunit ipinangako sa kanya na ang lupaing ito ay magiging pag-aari niya at ng magiging lahi niya, kahit na wala pa siyang anak noon. Ganito ang sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Makikitira sa ibang lupain ang iyong magiging lahi. Aalipinin sila roon at pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon, ngunit paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Aalis sila roon at sasamba sa akin sa lugar na ito.’ At iniutos ng Diyos kay Abraham ang pagtutuli bilang palatandaan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang isilang si Isaac, tinuli niya ito sa ikawalong araw. Ganoon din ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, at ginawa naman ni Jacob sa labindalawa niyang anak na lalaki, na siyang naging mga ama ng labindalawang lipi. “Ang mga anak na lalaki ni Jacob ay nainggit sa kapatid nilang si Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, at hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambayanan ng hari. “Nagkaroon ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno. Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. Dahil dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. Pumunta nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang kanyang mga anak. Ang kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor. “Maraming-marami na ang mga Israelita sa Egipto nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham. Si Jose naman ay hindi na kilala ng hari ng Egipto nang panahong iyon. Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating ninuno at iniutos niya na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay.
Basahin Mga Gawa 7
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mga Gawa 7:1-19
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas