Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio, ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil ipinapangaral nila sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.
Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga tagapanguna ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. Pinaharap nila ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?”
Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at pinuno ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. Ang Jesus na ito,
‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.’
Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”
Nagtaka ang buong Sanedrin sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nalaman din nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Sanedrin, at saka sila nag-usap. “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila; hindi natin ito maikakaila. Pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman tungkol kay Jesus upang huwag nang mabalita ang pangyayaring ito.” Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsasalita o magtuturo pang muli tungkol kay Jesus.
Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”
Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taóng gulang.